-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Pinaglalamayan na ang dalawang minero na na-suffocate o nahirapang huminga sa ilalim ng tunnel sa Barangay Das-agan, San Francisco, Agusan del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni Police Staff Sergeant Forcy Laurito, chief investigator ng San Fransisco Municipal Station, ang mga biktimang sina Jonathan Candelasa, 15-anyos, at Rixie John Fernander 21, kapwa residente ng Barangay Grace Estate, Bayugan City ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Laurito, kukuha lang sana ng submersible pump ang mga biktima kasama ang tatlong iba pa mula sa abandonadong parte ng kanilang pinagtatrabahuang tunnel na may lalim na 45 metro nang maganap ang insidente.

Natumba ang mga biktima nang mahirapan umanong huminga habang nasa ilalim matapos subukang tanggalin ang tubig resulta sa kanilang pagkamatay.

Kaagad namang dinala sa ospital ang tatlong iba pa matapos makalanghap ng mine gas.

Nabatid na pagmimina ang pangunahing hanap-buhay ng mga residente sa lugar.