-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dead on arrival sa ospital ang dalawang babae matapos bumangga ang kanilang sinakyang motorsiklo sa isang SUV sa Barangay Tarrag sa bayan ng Pagudpud.

Ayon kay Police Major Joemar Andres, ang hepe ng Pagudpud Municipal Police Station, ang mga biktima ay parehong 19-anyos at residente sa Poblacion 2 sa nasabi ring bayan habang ang SUV ay minaneho nng isang lalaking residente sa Barangay 1 dito sa lungsod.

Base umano sa kanilang imbestigasyon, patungong hilagang direksyon ang motorsiklo habang ang SUV ay patungo naman sa timog.

Sinabi nito na nang nakarating na ang mga biktima sa Barangay Tarrag ay na-overshoot ang kanilang motorsiklo na dahilan ng pagkakabangga nila sa SUV.

Dahil dito, parehong nagtamo ng grabeng sugat sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan at agad namang itinakbo sa ospital ngunit inideklarang dead on arrival ang mga ito.

Samantala, sinabi pa ni Andres na sa ngayon ay hindi pa nila madetermina kung nasa impluwensya ng alak ang mga biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.