-- Advertisements --

Inihayag ng grupo ng 18-nagsilbing bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang kanilang pagiging bukas na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa paksyon ni Sen. Win Gatchalian. 

Ayon mismo kay Atty. Levito Baligod, legal counsel ng nagpakilalang mga dating sundalo, handa at hindi naman umano sila natatakot kung sila’y haharap man sa naturang komite. 

Subalit aminado ang abogado na mayroon silang pangamba sakali man tumugon sa imbitasyon na dumalo sa pagdinig ng komite pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo sa paksyon ni Sen. Win Gatchalian. 

Inaalala kasi ng grupo na ang naturang senador ay isa sa mga pinangalanan ng 18-bodyguards bilang sangkot rin sa isyu ng pagtanggap ng male-maletang pera. 

Bagama’t mariin nang pinabulaanan ni Sen. Erwin Tulfo ang alegasyon, nag-aalinlangan pa rin ang grupo sapagkat ang mambabatas ang mag-iimbestiga at may kapangyarihan tumukoy kung ang testigo’y nagsisinungaling. 

Pinangangambahan ng abogado na posibleng paratangan sila ng senador na nagsisinungaling lamang sa ilalahad na testimonya sa komite. 

Na siyang maging rason para sila’y i-cite in contempt at tuluyang mauwi sa pag-uutos na ang mga dating sundalo, kasama siya ay ilagay sa detensyon ng Senado. 

Habang sinabi naman ni Atty. Baligod na nasa diskresyon na ni Sen. Erwin Tulfo ang pag-inhibit sa isasagawang pagdinig kung sakali man.