CAUAYAN CITY – Nasawi ang 16-anyos na binatilyo matapos na aksidenteng mabaril ng kanyang pamangkin sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Dupax del Sur Police Station, agad na binawian ng buhay ang 16-anyos na binatilyo sa Lukidnon, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya matapos aksidenteng mabaril sa dibdib ng kanyang pamangkin na 15-anyos.
Agad naman na ipinalaam ni Punong Brgy. James Cuyangan ng Brgy. Lukidnon ang nasabing insidente sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa testigo at isa pang pamangkin ng biktima, inilagay ng biktima ang converted airgun na cal. 22 sa ibabaw ng mesa pagdating nila mula sa ilog.
Kinuha umano ito ng pamangkin upang linisin subalit aksidente nitong nakalabit ang gatilyo at tinamaan sa dibdib ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Dahil magkamag-anak at mga menor de edad ang sangkot sa insidente ay hindi na magsasampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa pinaghihinalaan.