-- Advertisements --

Matagumpay at ligtas nang nakauwi sa bansa ang 15 Pilipino mula sa Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Tinulungan sila ng Department of Migrant Workers-Overseas Workers Welfare Administration team ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv sa kanilang pag-uwi sa pamamagitan ng Ben Gurion International Airport.

Ito na ang ikalawang repatriation flight na inayos ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv matapos bumalik sa normal ang operasyon ng Ben Gurion International Airport kasunod ng tigil-putukan.

Sumakay ang mga Pilipino sa isang flight mula Tel Aviv patungong Bangkok bago inilipat sa connecting flight ng Pilipinas na lumapag sa Maynila nitong Hunyo 5.

Ayon sa DFA, mula Pebrero 28 ay umabot na sa 235 Pilipinong caregiver, hotel worker, menor de edad at dependents, turista, pilgrim, at estudyante ang natulungan ng embahada para makauwi mula sa Israel.