Agad hinatiran ng basic needs at tulong pinansiyal ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pakikipagtulungan sa Philippine Embassy sa Tel Aviv ang 14 na overseas Filipino workers (OFWs) na nakaligtas sa missile strike ng Iran na tumama sa residential building sa Rehovot, Israel.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ito ay bahagi ng nagpapatuloy na pagsusumikap ng gobyerno ng Pilipinas para maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong ng ating mga kababayan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Walo mula sa 14 na OFWs ay inilipat na sa temporary shelter para sa kanilang kaligtasan at seguridad habang ang lima sa kanila ay nananatili sa kompaniya ng kanilang mga employer at ang isa naman ay nagpasyang manatili sa kaniyang kaibigan.
Samantala, kasalukuyan namang minomonitor ng DMW at OWWA ang medical condition ng mga Pilipinong kritikal na nasugatan kasama ang iba pang OFWs na nagtamo ng injuries sa pagtama ng missile strike ng Iran.
Naka-heightened alert naman ang DMW para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng OFWs sa ground kasabay ng pananatiling handa nito para magbigay ng rescue at evacuation support at repatriation.