-- Advertisements --

Isang 14-anyos na lalaking person with a disability (PWD) ang nasawi matapos umano siyang bugbugin ng anim na menor de edad sa isang footbridge sa Barangay BF Homes, Parañaque City noong hapon ng Biyernes.

Nabatid na nakipagkita pa ang biktima sa anim na Children in Conflict with the Law (CICL) upang ihatid ang biniling shorts para sa kanila bago mangyari ang insidente.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Colonel Nicolas Piñon, hepe ng Parañaque City Police, na matapos makuha ang item ay umakyat ang biktima sa footbridge kung saan siya umano sinundan at pinagtulungang bugbugin.

Nakatakbo pa umano ang biktima patungo sa mga awtoridad, ngunit habang isinusugod sa ospital ay nagsusuka na siya ng dugo na kalaunan, ay binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto ang anim na menor de edad na sangkot sa insidente. Nasa kustodiya na sila ng City Social Welfare and Development Office at nahaharap sa reklamong murder.

Humihingi naman ng hustisya ang ina ng biktima, na inilarawan ang kanyang anak bilang mabait at walang kaaway.