KORONADAL CITY – Nagtamo ng second-degree burn ang isang caretaker dahil sa nangyaring sunog sa Tindahan ng liquified petroleum gas (LPG) at oxygen tanks at anim pang mga establisyemento sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.
Kinilala ang sugatan na si Denmark Palomero,caretaker ng nasunog na MRJ Marketing at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay FO1 Sean Wyndel Zambrano ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Isulan, nadamay din sa sunog ang Motorzone, Perla Insurance, JR Paint Center, Roger’s Lechon, isang tindahan ng rattan products at dalawang bahay sa likurang bahagi ng mga nasabing establisyemento.
Una rito, umabot sa ikatlong alarma ang sunog at siyam na mga fire trucks ang nagtulungan mula sa Isulan, Bagumbayan, Esperanza, Tacurong City at Koronadal Chamber of Commerce upang maapula ang apoy.
Sa inisyal na pagtaya ng BFP-Isulan, aabot sa P10 milyon ang iniwang pinsala ng sunog.