Desidido ang aktres na si Xyriel Manabat na gagawa siya ng hakbang sa isang TNVS driver na umano’y gumawa ng malaswang pahayag kaugnay ng selfie na kuha umano kasama niya at ibinahagi online.
Ayon sa fans ni Xyriel, tinukoy ang account na may pangalang “Boss Toyo Mansi” matapos nitong i-post ang selfie ni Manabat na may caption na “ang laki ng bata na ’yan” at gumawa ng mga hindi angkop na komento tulad ng “jakl.”*
“Hindi ko ’yan papalampasin. Hindi dapat gawing entertainment ’yan in any form. I hope the platform or app will do something about this. It is not petty,” ani Xyriel sa isang panayam.
Ipinahayag niya ang pagkabigla at pagkadismaya dahil sa hindi inaasahang karanasan, sa kabila ng kanyang pagiging magalang at pagbibigay ng tip sa driver.
Binanggit niya pa na hindi dapat batayan ang damit o kilos ng isang babae sa para makatanggap ng ganitong pambabastos online.
“It is never about the piece of clothing? Naka pang-work ako. Maayos ako nakipag-usap. Nag-tip pa ako. I hope your mom, family, sister, wife, daughter, makita nila ‘to. Makitang ganyan ka na tao,” dagdag pa ng aktres.
Si Xyriel ay kilala sa kanyang pagiging aktibo sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan at mga biktima ng pang-aabuso. Aniya, ang insidente ay nagpalakas lamang sa kanyang determinasyon na ipaglaban ang karapatan ng mga walang boses.
Tugon naman ng TNVS application, kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang insidente at tiniyak na may zero tolerance ang kumpanya sa hindi angkop na pakikitungo, at kasama na sa imbestigasyon ang driver na sangkot.











