-- Advertisements --

Kinikilala ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na isa sa maituturing na “greatest asset” ng ating bansa sa matatag na ekonomiya ang mismong “workforce.”

Sa pagdalo sa New York Stock Exchange Economic Forum sa Estados Unidos, sinabi ng Pangulo na patunay dito ang tagumpay ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at ang mga development ng mas sopistikadong negosyo na pumapasok sa bansa.

Ayon sa punong ehekutibo, patuloy na nagsisikap ang bansa para sa pagpapaunlad ng education system lalo na sa teknikal na aspeto nito.

Naniniwala kasi ang presidente na ang talino ng mga kabataang Pinoy ang magbubukas pa ng mas malaking oportunidad para sa mas mabilis na pag-asenso.

Binigyan-diin din ng pangulo na ang Pilipinas ang “youngest country in Asia” sa ngayon kung kaya’t nakakalamang ito pagadating sa population dividend.

Inihayag naman ni Pangulong Marcos na kailangan na patuloy na mamuhunan sa mga kabataan at patuloy na sanayin, upang maging competitive saan mang bahagi ng mundo at higit sa lahat sa Pilipinas kasama ang mga partners at mga kaalyado ng bansa.

Sa mga nakaraang byahe ng presidente, malaking investment pledges na ang naiuwi ng presidente at inaasahang madaragdagan pa ito ngayong siya naman ay nasa Estados Unidos.