Iginiit ni House prosecution panel spokesperson at impeachment trial adviser na si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na walang kaugnayan ang inaasahang kasong plunder at napaulat na warrant of arrest laban kay Sen. Rodante Marcoleta sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Barbers, ang kaso laban kay Marcoleta ay nakabatay sa sarili nitong pag-amin na tumanggap siya ng P75 milyong campaign funds mula sa tatlong kaibigan, na umano’y hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong 2025 midterm elections.
Sinabi ni Barbers na ang Office of the Ombudsman ay kumilos batay sa impormasyong isiniwalat mismo ni Marcoleta at hindi bilang bahagi ng anumang hakbang na may kaugnayan sa impeachment. Aniya, dapat hayaang umusad nang magkahiwalay at alinsunod sa batas ang kaso ng senador at ang impeachment proceedings laban kay Duterte.










