Iginiit ng tagapagsalita ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na walang ebidensyang nag-uugnay sa mambabatas sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Atty. Elaine Atienza, walang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagturo kay Romualdez na sangkot sa pagpaplano, bidding, implementasyon, inspeksyon, pagbabayad o pagpapalabas ng pondo para sa mga sinasabing ghost flood control project.
Ipinaliwanag din ni Atienza na ang pagbuo at pagpapatupad ng pambansang badyet ay hindi kontrolado ng iisang opisyal, kabilang ang Speaker ng House of Representatives.
Aniya, ang paghahanda ng badyet ay pinangungunahan ng Executive branch at dumaraan sa pagtalakay ng Kamara at Senado bago maging batas.
Binigyang-diin din niya na ang Speaker ay walang kapangyarihan sa bidding, paggawad ng kontrata, implementasyon ng proyekto, at pagpapalabas ng pondo, na saklaw ng Executive branch.
Ayon kay Atienza, kung may iregularidad sa mga proyekto, dapat managot ang mga opisyal na may direktang legal at operasyonal na responsibilidad batay sa ebidensya, at hindi sa mga akusasyong walang sapat na batayan.










