Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na wala siyang personal na alitan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit nananatili ang kaniyang pagtutol sa paraan ng pamamahala ng administrasyon.
Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni VP Sara na ang kaniyang mga puna ay nakatuon sa pagganap ng Pangulo bilang lider ng bansa at hindi sa kaniyang personalidad.
“Wala akong problema sa kanya bilang tao. Ang problema ko sa kanya bilang presidente. Wala kaming alitan na personal na dalawa. Baka para sa kanya, meron. Pero para sa akin wala,” ani Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, wala siyang personal na hidwaan kay Marcos Jr., at ang lahat ng kaniyang naging komento laban sa administrasyon ay bahagi ng kaniyang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Matatandaang naging magkatuwang sina Marcos at Duterte sa halalan noong 2022 bilang presidente at bise presidente. Ngunit kalaunan ay lumamig ang kanilang relasyon sa pulitika, na nauwi sa pagbibitiw ni Duterte bilang Kalihim ng Department of Education.
Samantala, nagpapatuloy ang impeachment trial laban kay Duterte. Kabilang sa mga isyung tinatalakay sa reklamo ang naging pahayag niya sa isang online press conference na nagsasabing may nakausap na umano siyang tao na papatay sa Pangulo, sa Unang Ginang, at kay dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanyang masama.
















