Pinamamadali ng minorya sa Senado ang approval ng supplemental budget na magagamit sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.
Ayon kay Sen. Francis Pangilinan sa panayam ng Bombo Radyo, maaari naman nilang suspendehin ang rules para maisagawa ang special session kahit naka-break ang Kongreso.
Isa sa nakikitang option ni Pangilinan ang virtual session na maisasagawa kahit nasa ibang bansa pa ang ilan sa kanilang kasamahan.
Prioridad sa supplemental fund ang mga frontliners na nakakalat ngayon sa mga checkpoints ng Metro Manila at mga pangunahing lugar na may umiiral na quarantine.
Aminado ang opisyal na hindi ito kontento sa estilo ng pagharang ngayon kaya kailangan daw na i-revise ang paraan, lalo na sa Metro Manila.
Pinuna ng senador ang siksikan ng mga naghihintay para ma-scan sa iilang thermal gadgets lamang na dala ng mga otoridad.
Aniya, kung may sapat sanang gamit ang mga checkpoints, hindi na maaabala ang mga manggagawang papasok sa trabaho mula sa mga kalapit na probinsya.
“Naniniwala po tayong kailangang marebisa ang quarantine procedure na pinaiiral at bumalik muna sa drawing board yung mga nagpapatupad nito, para sa mas epektibong pamamaraan,” wika ni Pangilinan.