-- Advertisements --

Target ngayon ng National Task Force Against COVID-19 na hanggang limang araw na lamang panatilihin sa mga quarantine facilities ang mga uuwing overseas Filipino workers (OFWs) pagkatapos nilang maisailalim sa COVID test.

Sinabi ni Task Force COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., ngayong pwede nang makalapag ang mga eroplano sa Clark, Pampanga, madi-decongest kahit papano ang mga quarantine hotels and facilities dito sa Metro Manila.

Ayon kay Sec. Galvez, inaayos na nila ang mga dating pagkukulang o shortcomings sa mga unang batch ng OFWs na umuwi sa bans at inabot ng isa hanggang dalawang buwan bago napauwi sa kani-kanilang mga pamilya sa iba’t ibang lalawigan.

Pero ngayon, inihayag ni Sec. Galvez na sisikapin nilang mailabas ang resulta ng test sa loob lamang ng limang araw, pagkatapos ay ihahatid na sila sa kanilang mga probinsiya sa Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng barko o eroplano habang ang mga taga-Luzon ay ang mga bus sa PITX na ibibigay ng Deparmtent of Transportation (DOTr).