-- Advertisements --

Nasawi ang isang U.S. national matapos pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa bayan ng Teresa, Rizal.

Nabatid na tinangkang agawin ng mga suspek ang alahas ng biktima habang ito ay naglalakad sa isang kalsada sa isang residential area sa naturang bayan.

Batay sa kuha ng CCTV, sinubukan umanong tumakas ng biktima matapos mapansin ang tangkang pagnanakaw, ngunit naabutan siya ng mga suspek.

Habang sinusubukan umano ng biktima na tanggalin at itago ang kanyang mga alahas, bumaba ang isa sa mga suspek mula sa motorsiklo at binaril siya nang malapitan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon kaugnay ng insidente na makipag-ugnayan upang makatulong sa imbestigasyon.