Nilinaw ng US Embassy sa Pilipinas ang presensiya ng American at Filipino military personnel sa isinagawang raid sa Sanjia Steel Corporation facility sa Tagoloan, Misasmis Oriental na nagresulta sa pag-aresto sa 69 na Chinese nationals at isang Pilipino noong Mayo 15.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng embahada na ang site visit ay parte ng “routine planning efforts.”
Saad pa ng US embassy na ang team, na binubuo ng US military at personnel ng Armed Forces of the Philippines, ay dumating sa steel facility sa pakikipag-ugnayan sa PHIVIDEC Industrial Authority para suriin kung magagamit ang lugar para sa nalalapit na 2027 Balikatan military exercises.
Nang ipaalam umano ang access requirements sa pasilidad, nagtungo ang grupo sa ibang site gaya ng plano, at nilinaw na hindi nila pinilit na pasukin ito.
Sa halip, ginamit nila ang pagkakataong ito para pagtibayin ang kanilang hindi natitinag na commitment sa matatag na alyansa sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Matatandaang nauna nang dinepensahan ng Presidential Anti-Organized Commission (PAOCC), na kasama rin sa Sanjia operation, ang presensiya ng militar, para magbigay ng seguridad, logistics at perimeter safety para sa inter-agency law enforcement.
Isinagawa rin ang naturang operasyon sa bisa ng inisyung search warrant ng korte dahil sa umano’y paglabag sa immigration, labor at public safety at natagpuan din sa pasilidad ang potensyal na hazardous at radioactive materials.











