-- Advertisements --

 Nanawagan ang ilang Democrats lawmakers sa Estados Unidos kay US President Donald Trump na palakasin ang suporta sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa kanila, masyadong nakatuon ang administrasyon sa mga digmaan sa Middle East, dahilan upang mabigyan ng pagkakataon ang Beijing na palakasin ang presensya nito sa rehiyon.

Binanggit ni Rep. Eugene Vindman na dapat ilihis ang atensyon mula sa “unwinnable wars” at tutukan ang pagtatanggol sa mga pandaigdigang pamantayan, partikular sa West Philippine Sea.

Sa kabila ng 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas, patuloy pa ring hindi kinikilala ng China ang desisyon at kamakailan ay naglagay ng floating structure sa Scarborough Shoal na tinutulan ng Maynila.

Nabatid na 86% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat ipagtanggol ng gobyerno ang West Philippine Sea kasama ang mga kaalyadong bansa.

Naniniwala ang mga mambabatas na kung hindi agad kikilos ang Washington, maaaring magbigay ito ng impresyon na mahina ang commitment ng US sa rehiyon, na lalo pang magpapalakas sa posisyon ng China.