-- Advertisements --

Inanunsyo ng United Arab Emirates (UAE) nitong Abril 28, 2026 na aalis na sila sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) at OPEC+ epektibo sa Mayo 1, 2026, bilang isang “strategic decision” umano para sa mas flexible na energy policy.

Ayon sa UAE Ministry of Energy, bahagi ito ng kanilang tinawag na “evolution of sector policies” na layuning bigyan ang bansa ng mas malawak na kalayaan sa pagtugon sa galaw ng pandaigdigang merkado habang patuloy na nagsusulong ng stable at responsableng supply ng langis.

Sinabi rin ng UAE na ginawa ang desisyon matapos ang masusing pagsusuri ng kanilang production policy at long-term capacity, at alinsunod sa pambansang interes at plano nitong palakasin ang domestic energy investments.

Dahil dito may malaking pagbabago sa pandaigdigang oil market dahil ang UAE ay isa sa mga pangunahing producer ng langis sa OPEC.

Ilan sa mga analyst ang nagsabi na ang pag-alis ng UAE ay maaaring magpahina sa impluwensya ng OPEC, habang ang iba ay naniniwalang ito ay magbibigay ng mas malaking kalayaan sa bansa upang palakihin ang produksyon at iayon ito sa sariling economic strategy.

Sa kabila nito, iginiit ng UAE na mananatili itong committed sa global energy stability at patuloy na magiging maaasahang supplier sa merkado ng langis.