-- Advertisements --

Binago ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang iskedyul ng basketball ngayong Setyembre upang bigyang-daan ang paglahok ng ilang collegiate players sa mga international competition kasama ang Gilas Pilipinas.

Ayon sa UAAP, limang gamedays lamang ang nakalaan para sa men’s at women’s basketball tournaments mula Setyembre 13 hanggang 30.

Nakatakdang buksan ang Season 89 sa pamamagitan ng opening ceremony sa Setyembre 12 sa Mall of Asia Arena, at sa Setyembre 13 naman sisimulan ang men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum kung saan maghaharap ang Far Eastern University at Adamson University alas-12 ng tanghali.

Susundan ito ng laban ng defending champion De La Salle University at National University ng hapon, bago ang pagtatapat ng University of the Philippines at University of Santo Tomas.

Magpapatuloy ang men’s basketball games sa Setyembre 16 sa Mall of Asia Arena, Setyembre 19 sa Smart Araneta Coliseum, at Setyembre 26 at 30 sa Mall of Asia Arena.

Ang adjustments ay ginawa habang ilang UAAP athletes ay naghahanda para kumatawan sa Pilipinas sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan, mula Setyembre 21 hanggang Oktubre 4, at sa FIBA 3×3 U23 World Cup sa Wuhan, China, mula Setyembre 15 hanggang 19.

Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, mahalaga ang suporta ng UAAP upang makapaglaro para sa bansa ang mga student-athletes habang kinakatawan din ang kanilang mga paaralan.