Aminado umano si John Regala na mas gusto nitong pera na lamang ang ipaabot sa kanya bilang tulong sa tila sabay-sabay na problema na kinakaharap nito.
Nitong Lunes nang mag-viral o kumalat sa internet ang litrato ng 55-year-old kontrabida actor mula sa post ng Grab driver na si Carlo Clariza.
Sa naturang larawan na kuha sa Pasay City, makikitang nakaupo sa bangko si Regala na tila may hinihintay.
Ayon kay Clariza, humingi raw sa kanya ng tulong ang aktor dahil nahihilo, nanghihina, at sobrang gutom na.
Kaagad naman daw “nagparamdam” ang mga kasamahan ni John sa entertainment industry para tumulong kahit sa tahimik lamang na pamamaraan.
Sinasabing si Regala ay may sakit na liver cirrhosis na dulot ng sobrang pag-inom ng alcohol at serious infection tulad ng hepatitis base sa sa www.healthline.com.
Iniinda rin nito ang esophageal varices o ang pamamaga ng kanyang lower esophagus lining na epekto pa rin ng pagkakaroon niya ng cirrhosis of the liver.
Taong 2016 nang ma-diagnose na may esophageal varices si John kaya hindi ito makakain, sumusuka, at dumudumi siya ng dugo.
Dahil apektado ang pagkain, ang Aminoleban Oral ang tanging food supplement ni Regala.
Nabatid na anim na taon nang hindi nakakapagtrabaho si John dahil sa mga nabanggit na karamdaman at nilalakasan lamang daw niya ang loob dahil sa kagustuhang madugtungan pa ang buhay niya.
Kamakailan lang nang pumanaw ang kanyang ina at dating aktres na si Ruby Regala.
Inamin din nito na dumadaan sa pagsubok ang relasyon nila ng asawa.