Nagpaabot ng pasasalamat si Xian Lim sa pamamagitan ng kanyang Instagram account.
Ito’y sa kaparehong araw ng pag-ambush sa celebrity girlfriend na si Kim Chiu, bagama’t hindi nagbanggit ng pangalan.
Ayon sa 30-year-old actor, walang sino man ang makakapagpaliwanag kung bakit may mga katakot-takot na sitwasyon ang biglang nangyayari.
Kalakip ng online post ng Fil-Am actor ang mga komento ng kanyang followers.
Una rito, tinambangan ang van ng 29-year-old Chinese-Filipina actress sa kanto ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia Avenue sa Quezon City kahapon.
Ayon sa kanyang driver, agad ding dumiretso sa taping si Kim kasama ang kanyang assistant.
Sa inisyal na impormasyon, kakalabas lamang ng van ni Kim sa subdivision nito nang biglang barilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek na lulan ng motorsiklo.
Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District ang pangyayari.
Sa panig ni Kim, labis siyang natakot ngunit ang mahalaga ay walang nasaktan sa mga kasama niyang assistant at driver.
Palaisipan aniya kung “mistaken identity” ang nangyari dahil wala naman siyang kaaway.