CENTRAL MINDANAO-Sugatan ang isang tauhan ni Mayor-elect Rolly ‘Ur da Man’ Sacdalan matapos masangkot sa road accident sa kahabaan ng Quezon Avenue Barangay Poblacion 5, Midsayap, Cotabato alas 10:05 nitong gabi ng Martes.
Ang biktima ay kinilalang si Ryan Parreñas, 31 anyos, na taga Poblacion 1, Midsayap, Cotabato.
Batay sa nakalap na impormasyon, pauwi na sa kanilang tahanan ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo mula sa kaniyang trabaho.
Pagsapit sa pinangyarihan ay may biglang tumawid na asong gala dahilan upang iwasan ito ni Parreñas na nagresulta naman sa kaniyang pagka-aksidente.
Ayon pa sa mga saksi, hindi naman ganoon kabilis ang pagmamaneho ng biktima sa kaniyang motorsiklo.
Gayunpaman, nagtamo ng galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Parreñas.
Agad namang rumesponde ang tauhan ng Bureau of Fire Protection o BFP-Midsayap Rescue Team.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang biktima sa isang ospital sa bayan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor-elect Sacdalan na kasama sa magiging prayoridad nito sa unang 100 days ng kaniyang panunungkulan ang problema sa mga pagala-galang aso sa bayan.