Inilabas ngayon ng Malacañang ang Proclamation No. 906 na nagdedeklara ng State of Calamity sa CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon Province dahil sa pagsabog ng bulkang Taal.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon nitong nakalipas na Pebrero 21 alinsunod sa naging rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pamamagitan ng deklarasyon, magagamit na ng national government at concerned local government units (LGUs) ang calamity funds sa rescue and relief operations, recovery and rehabilitation sa mga nasalanta ng kalamidad.
Maliban dito, iiral din ang price control sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.
Epektibo sa loob ng isang taon ang deklarasyon maliban na lamang kung bawiin ng mas maaga.