DAVAO CITY – Naghahanda na ang Southern Philippines Medical Center (SPMC) ng isolation room na may ‘negative pressure’ bilang paghahanda sakaling may matalang kaso ng Monkey pox sa lungsod.
Ang mga pasyenteng may nakakahawang sakit ay ilalagay muna sa nasabing isolation room.
Kung maalala, palaging handa ang SPMC sa pagtanggap ng mga may infectious disease gaya ng Ebola Virus, H1N1, at Avian Flu.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Davao kay Dr. Ricardo Audan, Chief ng SPMC, ang monkey pox ay maaaring makuha mula sa isang infected na hayop o di kaya’y human to human transmission sa pamamagitan ng droplets, blankets ng infected na gumamit nito, at pakikipagtalik sa mga nagpositibo sa monkey pox.
Dagdag pa ni Audan, ang incubation period ay tumatagal mula lima hanggang 21 araw o ang stage kung saan nagkakaroon ng virus sa loob ng katawan nang hindi nararanasan ang anumang sintomas.
Pagkatapos nito, aabutin ng isa hanggang apat na araw bago magsimula ang mga sintomas tulad ng panginginig, pananakit ng ulo, pananakit ng lalamunan, pananakit ng katawan, at pagkapagod na katulad ng mga sintomas ng trangkaso.
Samantala, aabutin ng dalawa hanggang apat na linggo bago lumitaw ang mga pantal na katulad ng small pox.
Gayunpaman, ayon kay Dr. Audan, ang monkey pox ay hindi mapanganib kumpara sa small pox, ngunit ito ay tinuturing global health emergency kahit paman na ito ay hindi nakamamatay.
Matatandaan na noong Hulyo 28, 2022, naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng Monkeypox, matapos lumabas na positibo sa RT-PCR test ang isang 31-anyos na Pinoy na nagmula sa ibang bansa na may kaso ng Monkey Pox.
Isinailalim ng DOH ang unang pasyenteng may nasabing sakit sa mahigpit na home isolation kabilang na ang sampung katao na malapit sa kanya ng 14-21 araw dahil wala silang nakitang sintomas.