Inaprubahan ng Senate panel nitong Lunes ang mga panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2026 at gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
Ayon kay Senator Francis ”Chiz” Escudero, layunin ng kanyang panukala na tuluyang ayusin ang termino ng mga barangay at SK officials upang hindi na ito paulit-ulit na baguhin o gamitin bilang dahilan para ipagpaliban ang halalan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2387, nais ni Escudero na amyendahan ang Republic Act No. 12232 at gawing limang taon mula sa kasalukuyang apat na taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
Samantala, si Senator Imee Marcos naman ang naghain ng Senate Bill No. 2067, na naglalayong ilipat ang BSKE mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027.
Nakatakda sanang idaos ang halalan sa Nobyembre 2, 2026.
Samantala, nanawagan si Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia na magkaroon na ng malinaw na desisyon sa lalong madaling panahon kung matutuloy o maaantala ang BSKE.
Ayon kay Garcia, dapat malaman ang magiging desisyon bago matapos ang Setyembre, dahil nakatakda ang filing of candidacies mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5.
Mas mainam umano kung magiging malinaw na ang usapin pagsapit ng ikalawang linggo ng Setyembre upang makapaghanda ang mga kandidatong nais tumakbo, gayundin ang mga field personnel ng Comelec.










