Tuloy pa rin ang Senado sa pagdinig sa alegasyon ng conflict of interest kay Health Sec. Francisco Duque III kahit pa hindi ito sumipot sa pagdinig ng Kongreso.
Ito ang kinumpirma ni Blue Ribbon Committee chairman Sen. Richard Gordon sa isang panayam hinggil sa nakatakdang Senate hearing sa susunod na linggo.
Bukod sa kalihim, imbitado rin ang pamilya at mga kaanak ni Duque na nagsisilbi sa Doctors Pharmaceutical Inc. (DPI) na sinasabing pag-aari nito.
Una ng dumepensa ang Health secretary at sinabing mali ang akusasyon sa kanya ni Sen. Panfilo Lacson.
“Number one fact, nag-divest ako nung 2006. Tuloy-tuloy yan na divestment ko, hindi ko naman yan ni-reacquire. Ang mga dokumento ko kumpleto patungkol diyan,” ani Duque.
“Pangalawa, yung mga konkratang binanggit ay hindi naman ako ang kalihim (ng DOH) nung mga panahong ‘yon. Ang tinitingnan ko na lang ngayon, pinapa-validate ko pa yung sinasabing may kontrata daw na inabutan na ako bilang kalihim nitong 2017.”
Gayunpaman, handa raw ang senador na makipagusap kay Duque kaugnay ng alegasyon.
“At the end of the day its between him and God, it’s between him and his conscience, it’s between him and the public,” ani Lacson.
Bukod sa alegasyong conflict of interest ni Duque, hihimayin din ng Senado ang issue ng korupsyon sa loob ng PhilHealth, na kamakailan ay naging kontrobersyal dahil sa sinasabing ghost medical treatments.