-- Advertisements --
Sen. Joel Villanueva

Ipinaalala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na isinabatas ang “Work from Home” o WFH Law para solusyunan ang traffic sa Pilipinas.

Ani Villanueva, noong ipinasa ang Telecommuting o Work-from-Home Law noong 2019, ang intensyon ng batas ay para tugunan ang lumalalang traffic sa bansa partikular na sa mga metropolitan areas.

Nang makaranas ang buong mundo ng pandemya, nakita aniya ng bansa ang ganap na implementasyon ng batas at hindi ito naging sagabal para maging produktibo ang mga manggagawa sa ilalim ng alternatibong working arrangement.

Giit ni Villanueva, kahit wala na ang pandemya ay mas lalo namang lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa bansa at kung ito ay magpapatuloy na walang aksyon na gagawin ay maaaring lumobo sa P9.4 billion ang lugi ng bansa kada araw dahil sa traffic.

Para katigan ang work from home arrangement ay isinusulong ni Villanueva na maaprubahan ang Senate Bill 135 na layong payagan ang alternative work arrangements para sa mga kumpanyang nakarehistro sa Investment Promotion Agencies.

Ang WFH ay mananatili at kinakitaan pa rin ng pagpapahusay ng productivity, napapahusay din ang work-life balance, nakababawas sa traffic at gastusin sa empleyado na makatutulong sa paglago ng ekonomiya.