-- Advertisements --

Nanatili na si Senator Rodante Marcoleta sa Quezon City Jail-Male Dormitory matapos maaresto sa kasong plunder na walang piyansa kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 million campaign donations.

Nauna nang iniutos ng Sandiganbayan ang paglilipat kay Marcoleta matapos lumabas sa independent medical examination ng University of the Philippines-Philippine General Hospital na wala na siyang pneumonia at walang nakitang impeksiyon sa kanyang baga.

Matatandaang hiniling ng kampo ni Marcoleta na manatili muna siya sa PNP-hospital dahil sa nararanasang kondisyon na maaaring may kaugnayan sa pneumonia at iba pang iniindang sakit ng mambabatas.

Kapwa akusado ni Marcoleta ang dating mambabatas na si Mike Defensor, negosyanteng sina Joseph Espiritu, at Aristotle Viray, na naghain ng not guilty plea. Hindi naman na-arraign si Marcoleta dahil nakabinbin pa ang kanyang mosyon na ipawalang-bisa ang kanyang kaso.

Bukod sa plunder case, nahaharap din ang mga akusado sa kasong paglabag sa Presidential Decree 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo o anumang benepisyo dahil sa kanilang posisyon.

Nakitaan din ng Sandiganbayan ng probable cause ang kasong ito laban kina Marcoleta at Defensor.

Itinakda naman ng korte sa Hulyo 22 ang arraignment para kina Espiritu at Marcoleta.