-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Sen. Bong Go ang publiko na maging responsable sa paggamit ng kalayaan sa pamamahayag sa gitna ng pagkalat ng mga fake news at disinformation sa social media ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng pag-subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang college student na umano’y nag-post sa social media ng fake news laban sa kanya.

Sa kanyang statement, sinabi ni Sen. Go na bagama’t wala siyang pagkontra sa malayang pagpapahayag ng ideya at patuloy na pinoprotektahan ng gobyerno ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino, dapat alalahanin ng publiko na ang ganitong karapatan at kalayaan ay may kaakibat na responsibilidad bilang matuwid na mamamayan ng bansa.

Ayon kay Sen. Go, maging ang mga kritiko ay malayang maglabas ng saloobin at kung tingin nila ay wala silang ginawang iligal, walang dapat alalahanin o ikatakot.

Pero ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas ay dapat handang harapin ang kaakibat nitong pananagutan o kaparusahan.

“Kailangan intindihin ng lahat na may kasamang responsibilidad ang mga ito bilang isang mamamayan. Please use your freedom responsibly,” ani Sen.Go.

“Sa panahon ngayon ng krisis, busy kami na nagtatrabaho upang maprotektahan ang kapakanan, interes at buhay ng mga Pilipino. Nagseserbisyo lang po kami sa kapwa Pilipino. Pero ang iba ay busy naman manira, sinasayang ang oras magkalat ng fake news, kasinungalingan, at dumadagdag lang sa problema ng bayan.”