-- Advertisements --

Nananawagan si Sen. Bong Go sa national government at local government units (LGUs) na ipagpatuloy pagbibigay proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino kasabay ng paggunita ng Labor Day ngayong araw.

“Sa kabila po ng dinaraanang pagsubok ng bansa dala ng COVID-19, binabati ko po ang ating mga manggagawa ng isang mapagpalayang Araw ng Paggawa,” ani Sen. Go.

Sinabi ni Sen. Go, ang mga manggagawa ang pundasyon ng ating patuloy na lumalagong ekonomiya kaya bilang mambabatas, asahan daw nila na patuloy nitong isusulong ang mga panukalang batas at susuportahan ang mga programa para mas lalong maprotektahan ang mga karapatan at mas mapabuti ang kapakanan ng mga manggagawa.

Ayon kay Sen. Go, kanyang tinitiyak na prayoridad ng gobyerno ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng public health crisis.

Inihayag ng senado na habang patuloy nating nilalabanan ang sakit na COVID-19, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya para mabigyan ng tulong ang mga apektadong manggagawa.

“Bilang suporta, naging panawagan ko din ang pagbibigay pa ng dagdag na tulong para sa mas nakararami, katulad ng mga apektadong manggagawa ng mga maliliit na negosyo o ang mga MSMEs, at iba pa.”