Bilang pagtalima sa mga kondisyon ng kanyang travel clearance, personal na nagtungo ngayong Lunes sa Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada kasunod ng kanyang pagbabakasyon sa labas ng bansa noong nagdaang Semana Santa.
Nagtungo ang mambabatas sa tanggapan ng clerk of court ng Sandiganbayan Fifth Division pagkatapos ng kanyang biyahe sa mga special administrative regions ng China na Hong Kong at Macau, gayundin sa bansang Japan, na tumagal mula Marso 31 hanggang Abril 5.
Hindi naman nagpaunlak ng panayam ang senador at iniwasan ang mga katanungan mula sa mga miyembro ng media na nag-aabang sa labas ng tanggapan.
Dahil sa mga nakabinbing kaso laban sa kanya, mahigpit na inaatasan si Estrada na kumuha ng permiso mula sa anti-graft court bago makalabas ng Pilipinas. Nakuha niya ang nasabing clearance noong nakaraang buwan.
Sa kasalukuyan, nahaharap pa rin ang senador sa 11 counts ng graft na may kinalaman sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Inakusahan siya na tumanggap umano ng P55.79 milyon na kickbacks mula sa nahatulang negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Matatandaang noong nakaraang taon, inabsuwelto ng korte ang senador sa kasong plunder, subalit nahatulan naman ito para sa kasong direct and indirect bribery.
Samantala, lumutang din kamakailan ang akusasyon mula kay Brice Hernandez, isang dating assistant district engineer ng Public Works, na nagmaniobra umano si Estrada upang maitalaga ang P355 milyong pondo para sa unang distrito ng Bulacan kapalit ang 30 porsyentong kickback.
Mariing itinanggi ni Estrada ang paratang at iginiit na ang isyu niya sa PDAF noon ang pangunahing dahilan kaya mabilis siyang idawit sa katiwalian ngayon.
Ayon sa mambabatas, ang kanyang past ang nagtulak upang maging isa siyang easy target ng mga akusasyon ng korapsyon.










