Prayoridad ngayon ng Cebu City Police Office ang seguridad ni Cebu City Mayor Mike Rama at iba pang elected officials ng lungsod.
Ito’y kasunod ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at kumitil sa buhay ng walong iba pa.
Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog, na ipinag-utos na nito sa mga station commanders ng lungsod na dagdagan ang mga security personnel ng alkalde sa anumang aktibidad nito at hindi pa sila dapat maging kampante.
Bukod sa pagiging alkalde ng lungsod, si Rama ay national president rin ng League of Cities of the Philippines at Executive Vice president ng Union of Local Authority of the Philippines (ULAP).
Nagsagawa na ang pulisya ng threat assessment sa alkalde ngunit ibinunyag pa nitong wala naman siyang natatanggap na banta sa kanyang buhay.
Bagama’t walang banta sa buhay ang opisyal, sinabi ni Dalogdog na mas mabuting maging handa kaysa magsisi sa huli.
Sinabi rin ni Dalogdog na handa silang palakasin ang seguridad para sa iba pang mga halal na opisyal ng lungsod maging si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia kung saan matatagpuan lang ang opisina ng Kapitolyo dito.










