-- Advertisements --

Muling naging usap-usapan sa social media ang paglilinaw ng Korte Suprema tungkol sa paggamit ng photocopy ng mga dokumento bilang ebidensya sa korte.

Ito ay matapos kuwestiyunin ng defense counsel na si Atty. Carlo Narvasa ang ilang dokumentong iniharap ng prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil pawang photocopy umano ang mga ito.

Dahil dito, muling ibinahagi ng mga netizen ang inilabas na pahayag ng Korte Suprema noong Mayo 9, 2025, na nagsasabing maaaring tanggapin bilang ebidensya ang duplicate o photocopy ng isang orihinal na dokumento, basta’t walang pagdududa sa pagiging authentic ng orihinal at hindi magiging hindi patas ang paggamit ng kopya.

Batay ito sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong People of the Philippines versus Ybo Lastimosa, kung saan pinayagan ng hukuman ang paggamit ng photocopy ng death certificate bilang bahagi ng mga ebidensya.

Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na kahit maaaring tanggapin ang photocopy bilang ebidensya, ang bigat o halaga nito ay nakabatay pa rin sa iba pang ebidensyang sumusuporta rito.

Sa naturang kaso, pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na reclusion perpetua laban kay Ybo Lastimosa matapos mapatunayang nagkasala ito sa pagpatay.