BAGUIO CITY – Inireklamo ng isang dayuhan ang pagnanakaw sa loob ng kanyang kotse matapos itong i-tow ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) team ng lokal na pamahalaan ng Baguio City kahapon.
Nakilala ang dayuhan na si Abaluogo Chidera Kingsiley, 30-anyos na tubong Nigeria pero residente ng Magsaysay Avenue, Baguio City.
Ayon sa Nigerian national, ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa Lower Magsaysay Avenue, Baguio City, ngunit hinila ito ng towing team ng CEPMO.
Dinala ang sasakyan ni Kingsiley sa staging area ng CEPMO sa parking area ng Burnham Park.
Binayaran naman ng dayuhan ang kanyang multa sa City Treasurer’s Office pero nang kunin na niya ang kanyang kotse ay dito na raw niya nadiskobre na bukas ang pinto ng passenger’s seat.
Nakasaad sa kanyang reklamo sa himpilan ng pulisya na nawawala ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P22,000 at pouch na naglalaman ng P5,000 at ATM cards.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente lalo na at walang closed circuit television sa staging area ng mga nato-tow na illegaly parked vehicles sa lungsod.