-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kaagad na namatay ang sanggol na kabilang sa mga binangga ng isang motorsiklo sa Coplo, Nangalisan, Tuba, Benguet.

Ayon sa Tuba Municipal Police Station, ang biktima ay isang taon at anim na buwan pa lamang.

Sugatan naman sa aksidente si Christflor De Guzman Benito, 22-anyos na ina ng sanggol; at si Philip Kias, 37; kapwa residente ng Nangalisan, Tuba, Benguet

Nakilala ang driver ng motorsiklo na si Nicole Pasigon, 20-anyos, residente ng KM 5, Asin Road, Baguio City at ang angkas nito na si Bernard Fernando Sia-o, 18.

Ayon sa pulisya, nakaupo lang sa gilid ng kalsada ang mga biktima nang bigla silang binangga ng motorsiklo.

Natuklasan ng mga otoridad na umagaw ng linya ang motorsiklo na nagresulta sa pagbundol nito sa mga biktima.

Naisugod pa ang mga ito sa pagamutan pero binawian ng buhay ang sanggol.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente.