Inutusan ng Sandiganbayan si Senator Rodante Marcoleta na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat pansamantalang suspendihin sa kanyang puwesto bilang senador habang dinidinig ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Sa utos ng korte, binigyan si Marcoleta ng 10-araw upang magsumite ng kanyang paliwanag.
“Pursuant to Section 5 of Republic Act No. 7080, as amended, otherwise known as the Anti-Plunder Act, and Section 4, Rule VIII of the 2018 Revised Internal Rules of the Sandiganbayan, accused Senator Marcoleta, through counsel, is given a non-extendible period of ten (10) days from notice hereof within which to explain why he should not be preventively suspended from office as an incumbent member of the Philippine Senate,” pahayag ng korte.
Noong Miyerkules, humarap sa arraignment ang senador at naghain siya ng not guilty plea para sa kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46 o Anti-Graft and Corrupt Practices law na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo o anumang pabor dahil sa kanilang posisyon.
Nauna nang naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Marcoleta noong Hulyo 3 dahil umano tumanggap ito ng kabuuang P75 million na hindi idineklarang donasyon noong siya’y kongresista pa.
Nahaharap din siya sa hiwalay na kaso dahil sa umano’y pagtanggap ng P25 million mula sa negosyanteng si Joseph Espiritu, na ipinagbabawal sa ilalim ng anti-gift law.
Kapwa itinanggi nina Marcoleta at Espiritu ang mga akusasyon.
Samantala, ang mga kapwa akusado ni Marcoleta sa kasong plunder na sina dating Cong. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray ay naghain din ng not guilty plea sa kanilang arraignment noong Hulyo 15.















