Iginiit ng Sandiganbayan na ang inilabas nitong kautusan kahapon na ipaaresto si Sen. Rodante Marcoleta ay hindi awtomatikong nangangahulugan ‘guilty’ na ito sa kasong ‘plunder’.
Ito mismo ang binigyang linaw ni Associate Justice Karl Miranda, Chairperson ng Sandiganbayan Third Division, ang korte na may hawak sa kasong plunder ng senador.
Aniya’y ang paglalabas ng pahayag o panayam ay ang siyang kauna-unahang pagkakataon na kanyang ginawa sa loob ng 10-taon paninilbihan sa Sandiganbayan.
Mariin niyang sinabi na ang inilabas na ‘arrest warrant’ ay hindi kadyat nagdedetermina sa pagiging may sala ng senador.
May pagkakataon pa rin daw ang mga akusado o binibigyan pagkilala ang kanilang ‘presumption of innocence’ hangga’t hindi pa napapatunayan ang kanilang pagkakasala.
Ibinahagi naman ni Associate Justice Karl Miranda ang paliwanag ng hukuman kung bakit ito nag-isyu ng arrest warrant kontra kay Senador Marcoleta at mga kapwa-akusado.
Matapos aniya ang ebalwasyon ay nakitaan ng ‘probable cause’ para paniwalaan na ginawa ng mga akusado ang krimen ipinaparatang sa kanila.
Gayunpaman matapos ang inilabas na ‘arrest warrant’, agad naaresto ang lahat ng mga akusado.
Nailipat na sa New Quezon City Jail sa Payatas sina former Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Joseph Espiritu, at Aritotle Viray.
Habang si Sen. Rodante Marcoleta ay nananatili pa rin sa Philippine National Police General Hospital.
Ito’y kasunod nang makaranas ng chest pain o pananakit ng dibdib at mataas na blood pressure.
Alinsunod dito’y pinaalalahanan ni Associate Justice Karl Miranda si Sen. Marcoleta at magkabilaang kampo na panindigan ang integridad at pangangasiwa ng hustisya.
















