-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Dinagdagan pa ng lokal na opisyal sa North Cotabato ang reward money para sa makapagtuturo sa tatlong suspek na nanunog sa isang unit ng bus sa bayan ng M’lang.

Aabot na sa P200,000 ang pabuya matapos dagdagan ni M’lang Mayor Russel Abonado ang reward money na itinakda ni Governor Nancy Catamco.

Tatlo ang namatay, habang anim ang sugatan nang pasabugin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang isang unit ng YBL bus sa Barangay Bialong.

Batay sa ulat, sinabuyan ng gasolina ng mga suspek ang bus na galing Kidapawan City, na papunta sana sa lungsod ng Tacurong.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal inihayag ni Bernardo Bolanio, operations manager ng Yellow Bus Lines Incorporated, ang pag-kondena ng kompanya sa insidente.

Wala naman daw silang natanggap na “extortion letter” o banta bago nangyari ang pag-atake.

Nanawagan na ang kompanya ng mabilis na pagtugis sa mga salarin. Umaapela rin ng hustisya ang naulila ng mga namatay na indibidwal. -CJY