Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabalik ng face-to-face classes sa National Capital Region (NCR).
Ito’y matapos aprubahan ng Department of Education (DepEd) ang pilot implementation ng face-to-face classes sa Metro Manila simula sa darating na December 6.
Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, tututukan ng PNP ang nasa 28 eskwelahan sa NCR na siyang pioneer batch para sa pagbubukas muli ng in-person classes.
Makikipag-ugnayan aniya sila sa DepEd para sa ipapatupad na seguridad ng pambansang pulisya.
“The PNP will secure a final list of the participating school so I can order the chiefs of police in those areas to plan for their deployment to sensure security in these premises,” pahayag ni Gen. Carlos.
Siniguro nito na hindi na mauulit pa ang nangyari sa Pangasinan kung saan nakuhanan ng lawaran ang ilang police personnel na nasa loob ng classroom na may bitbit na long firearms habang ipinapatupad ang face-to-face classes.
Giit ng PNP chief, magsisilbi itong leksiyon para sa kanila lalo na sa mga uniformed personnel.
“Schools are zones of peace and we will acknowledge that. Much has been done to orient our personnel regarding this policy,” dagdag pa ni Carlos.
Binigyang-diin ni Carlos na limitadong tauhan lamang ang kanilang idi-deploy sa mga eskwelahan habang may mga pulis din na mananatili sa labas ng school compounds.