Umakyat sa 0.48 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR), mas mataas kaysa dating 0.39, ayon sa OCTA Research group.
Ang average number ng mga bagong COVID-19 cases naman sa rehiyon ay nasa 79 cases mula noong Disyembre 14 hanggang 20.
Ito ay mas mababa naman kumpara sa 91 cases kada araw mula Disyembre 6 hanggang 12.
Nakasaad din sa report ng OCTA Research na ang average daily attack rate ay naitala sa 0.55 kada 100,000 population habang ang positivity rate naman ay 0.6 percent.
Sinabi rin ng OCTA Research group na ang rehiyon ay mayroon average na 18,127 RT-PCR tests sa nakalipas na linggo.
Sa ngayon, ang NCR pati na rin ang 15 local government units ay classified bilang very low risk habang ang Las Piñas naman at San Juan ay classified bilang low risk.
Gayunman, nilinaw ng grupo na ang kanilang report ay hindi sumasalamin sa posisyon naman ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force, at iba pang local government units.