-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan sa Kamara ang pagtatatag ng isang unified at standardized Emergency Medical Services System (EMSS) sa buong bansa upang mapabilis at mapabuti ang agarang tulong medikal sa mga emergency.

Inihain ni Yamsuan ang House Bill 9474, layunin nitong magtakda ng pambansang pamantayan sa emergency response at palakasin ang pagsasanay at propesyonalisasyon ng mga medical first responder.

Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang maayos na EMSS dahil ito ang unang linya ng tulong sa mga sakuna, aksidente, at iba pang emergency na maaaring magligtas ng buhay bago pa man makarating sa ospital.

Bibigyang-diin din sa panukala ang koordinasyon ng mga ahensya tulad ng LGU, mga ospital, at emergency responders, at ang paggamit ng iisang emergency hotline 911 sa buong bansa.

Magkakaroon din ng EMSS Council sa ilalim ng DILG na tututok sa mga standard at sistema ng operasyon, habang ang Bureau of Fire Protection ang magsisilbing sekretariat.

Kasama rin sa panukala ang paglikha ng plantilla positions para sa EMS personnel at minimum standards para sa ambulansya at emergency vehicles.

Giit ni Yamsuan, layunin nito na matiyak na pantay at mabilis ang serbisyong medikal sa oras ng krisis, saan mang bahagi ng bansa.

“Bawat buhay ay mahalaga. Sa anumang krisis,  dapat ay pantay-pantay  ang paghahatid ng emergency services sa mga nangangailangan, anuman ang estado niya sa buhay (Every life matters. In any crisis, the delivery of emergency services should be equal for all those in need, regardless of one’s status in life),” pahayag ni Rep. Yamsuan.