-- Advertisements --

Nanawagan si Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ng agarang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang pamamaril sa San Jose Tacloban High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.

Ayon kay Garbin, isa sa mga may-akda ng Anti-Bullying Act of 2013, hindi kailanman maituturing na katwiran ang pambu-bully upang kitlin ang buhay ng kapwa. 

Iginiit niya na dapat mapanagot ang mga menor de edad na may ganap na pag-unawa sa bigat at maling epekto ng kanilang mga ginawa.

Binanggit din niya ang mga ulat na umano’y alam ng mga suspek na menor de edad na maaari silang makaiwas sa mabigat na parusa dahil sa kanilang edad. 

Aniya, kung mapatutunayang totoo ito, dapat suriin at amyendahan ang umiiral na batas upang hindi ito magamit bilang panangga laban sa hustisya.

Nanawagan din si Garbin ng mas mabigat na parusa laban sa mga may-ari ng baril na nagpapabaya sa ligtas na pag-iingat ng kanilang mga armas, lalo na kung nagagamit ito sa krimen ng mga menor de edad.

Hinimok niya ang Kongreso, mga awtoridad, at publiko na suportahan ang mga repormang magtitiyak ng mas matibay na proteksyon at hustisya para sa mga kabataan.