-- Advertisements --

Ibinasura ng Supreme Court en banc ang mga reklamong indirect contempt laban kina Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon, Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at political nalyst na si Richard Heydarian.

Nag-ugat ang mga reklamo laban sa tatlo sa kanilang mga pahayag kaugnay ng naging desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 25, 2025 na nagdeklarang labag sa batas ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa petitioners na sina Atty. Mark Kristopher Tolentino at Atty. Rolex Suplico ang mga pahayag nina Heydarian at Cendaña ay nakakadungis sa awtoridad ng korte habang ang ikinatuwiran naman ni Atty. Ferdinand Topacio na ang pahayag ni Gadon ay nakasisira sa dignidad ng hukuman.

Sinabi ng korte, base sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, na sa paggamit ng kanilang kapangyarihan para sa contempt, dapat din aniyang maging maingat at mapanuri ang korte sa mga pagtatangka ng iba na supilin ang kalayaan sa pananalita na nagpapasigla sa demokrasya.

Sa kabilang banda, bagaman may karapatan aniya ang publiko na maging mapanuri sa mga desisyon at patakaran ng Korte, walang pahintulot ang sinuman na abusuhin ang kanilang kalayaan sa pananalita.

Dapat aniya na magkaroon ng puwang para sa demokratikong talakayan kung saan binibigyan ang mga mamamayan ng kalayaan na ipahayag ang kanilang mga opinyon nang walang takot na maparusahan.