-- Advertisements --

Kinumpirma ni dating Parañaque Rep. Gustavo Tambunting na pumanaw na ang beteranang aktres at kanyang lola na si Mila del Sol.

Sa official statement ni Tambunting, bandang ala-1:00 kaninang madaling araw nang binawian ng buhay ang kanyang lola sa bahay ng kanyang ama na si Sonny na siyang panganay na anak ng aktres.

Bagama’t nalulungkot aniya sila, kampante na rin na magiging kapiling na ng kaniyang “Lulay” ang Maykapal.

Hindi nabanggit ang dahilan ng pagpanaw ni Mila o Clarita Villarba Rivera sa tunay na buhay.

Tinagurian bilang Queen of the Golden Age of Philippine Cinema, sumikat si Mila noong 1930s hanggang 1940s kung saan naging tampok siya sa tinatayang 40 pelikula.