-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Isinusulong ng Makabayan Bloc sa Kamara ang pagtatatupad price freeze sa mga pangunahing bilihin sa harap ng kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo legazpi kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, sinabi niyang hindi na bago sa Pilipinas ang pagtaas ng mga bilihin tuwing tumataas ang presyo ng langis kaya mainam na sa ngayon ay magpatupad na ng price freeze.

Sa ilalim ng House Resolution number 2310, sinabi ng Makabayan bloc na dapat magpatupad ng price freeze sa bigas, kape, mga de lata, karne, gulay at iba pang mga pangunahing bilihin sa merkado.

Nanawagan naman ang kongresista sa mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang resolusyon na ito upang kahit papano ay matulungan umano ang mga Pilipino na labis ng nahihirapan ngayong may coronavirus disease pandemic.