
Naging stable ang presyo ng bigas ilang araw matapos na tanggalin na ang price cap.
Sa isang statement, sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian, lumalabas sa monitoring ng DA sa presyo ng bigas, naging stable ito sa ipinairal na price cap level.
Sinabi pa ni Sebastian na inaasahang bababa ang presyo ng bigas partikular na sa mga rice-producing areas sa bansa kasabay ng pagdating ng bagong suplay mula sa nagpapatuloy na anihan.
Ginawa ng DA official ang pahayag ilang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagtanggal na ng price cap na P41 kada kilo para sa regular milled rice at P45 kada kilo para sa well-milled rice.
Samantala, ayon naman kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang stock na bigas ay inaasahang aabot hanggang 94 araw sa Nobiyembre dahil sa inaasahang maaaning bigas ngayong buwan.
Nagpapatuloy din aniya ang pagbabantay ng monitoring team ng DA at Bantay Presyo Task Forces sa presyo ng mga bigas sa palengke.










