-- Advertisements --

Nagtipon ang humigit-kumulang 50,000 katao sa Plaza de San Pedro upang dumalo sa Jubilee ng mga Pamilya, na pinangunahan ni Pope Leo XIV.

Sa kanyang homiliya, tinalakay ng Santo Papa ang mahalagang papel ng pamilya sa pagpapasa ng pananampalataya, pagmamahal, at buhay mula sa isang henerasyon patungo sa isa pa.

Ipinahayag ng Papa na ang mga “banal na kasal” ay isang halimbawa lamang ng pagkakaisa at pagpapatawad, binanggit din nito na ang mga pamilya tulad nina Luigi at Celia Martin, mga magulang ni St. Therese of Lisieux, at ang Polish na pamilyang Ulma na nag-alay ng kanilang buhay para sa pananampalataya.

Ayon kay Pope Leo XIV, sa pamilya, ang pananampalataya ay ipinapasa at ibinabahagi tulad ng tinapay at pagmamahal sa bawat isa. Aniya, ang pamilya ang pinakamagandang lugar upang matagpuan si Jesus, na laging nagmamahal at nagnanais ng kabutihan ng bawat tao.

Tinalakay din ng Papa ang sinabi ni Pope Francis, na ang buhay ay natamo natin bago pa natin ito naisin, at pinaalalahanan ang mga pamilya na ang kinabukasan ng mga tao ay nagsisimula sa loob ng isang pamilya.

Bilang bahagi ng selebrasyon, isinagawa ng Santo Papa ang Regina Caeli, isang Marian prayer, at nagbigay ng mensahe ng pag-asa sa mga bata at pasasalamat sa bawat pamilya, lalo na sa mga lolo at lola, bilang mga huwaran ng pananampalataya.