-- Advertisements --

Nagpaabot ng panalangin si Pope Leo XIV para sa lahat ng Pilipinong naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa baybayin ng Sarangani noong nakaraang linggo at kumitil na sa 61 katao.

Sa kanyang mensahe sa kanyang X account, sinabi ng Santo Papa na ipinagdarasal niya ang mga nasawi at kanilang mga pamilya, ang mga nasugatan, at ang lahat ng patuloy na nagdurusa dahil sa naturang kalamidad.

Matatandaang nagdulot ng matinding pinsala ang malakas na lindol na tumama sa parte ng Mindanao noong Hunyo 8, kung saan iba’t ibang bansa na rin ang nagpaabot ng pakikiramay at handang tumulong sa Pilipinas.

Batay sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense, umabot na sa 61 ang bilang ng mga nasawi, kung saan 54 ang mula sa Region 12 at pito naman ang mula sa Region 11.

Naitala rin ang kabuuang 5,200 aftershocks na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 6.4, kung saan 1,307 ang na-plot at 76 ang naramdaman ng publiko.

Dahil sa matinding pinsalang dulot ng lindol, isinailalim na rin sa state of calamity ang Sarangani at General Santos City.