-- Advertisements --

Muling umapela ang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Leo XIV ng agarang tigil-putukan sa gitna ng digmaan sa Middle East.

Sa kanyang Angelus prayer sa St. Peter’s Square, binigyang-diin ng Santo Papa na ang kamatayan at pagdurusang dulot ng digmaan sa rehiyon ay isang “eskandalo para sa buong sangkatauhan.”

Iginiit ng unang US Pope na hindi dapat manahimik ang mundo sa pagdurusa ng mga inosenteng biktima.

Aniya, ang sakit ng mga ito ay sakit din ng buong sangkatauhan.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni Pope Leo ang patuloy na panalangin upang matigil na ang labanan at makamit ang kapayapaan.

Sa gitna ng ikaapat na linggo ng digmaan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, sinabi ng Santo Papa na patuloy niyang sinusubaybayan nang may matinding pangamba ang sitwasyon, pati na rin ang iba pang lugar na apektado ng karahasan.